Bumawi ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) at muling nakalagpas sa 5,700 level matapos tumaas ng 119.53 puntos o 2.11 porsiyento upang magsara sa 5,782.70 nitong Biyernes, Oktubre 16.

Nakatulong sa pag-angat ng lokal na stock market ang bargain hunting o pagbili ng mga investor sa mga stock na itinuturing nilang mababa ang presyo.

Tumaas din ang mas malawak na All Shares index ng 44.12 puntos o 1.38 porsiyento, at nagsara sa 3,218.81.

Ayon kay Luis Limlingan, pinuno ng sales ng Regina Capital Development, lumakas ang pagbili sa iba’t ibang sektor ng merkado, lalo na sa mga kumpanyang may malaking bigat sa pangunahing index.

Posible rin umanong nakaapekto sa sentimyento ng mga investor ang babala ng MSCI tungkol sa pagbaba ng market classification ng Indonesia, na maaaring magtulak sa ilang dayuhang pondo na lumipat sa iba pang emerging markets, kabilang ang Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, nananatiling maingat ang mga investor dahil sa mga usaping geopolitikal at kalagayan ng lokal na ekonomiya.

Umabot sa 4.122 bilyong shares na nagkakahalaga ng P7.946 bilyon ang naipagpalit sa merkado. Mas marami ang tumaas na stocks sa 106, kumpara sa 78 na bumaba, habang 69 na kumpanya ang hindi nagbago ang presyo ng shares.