Nagtapos sa mas mababang antas ang Philippine stock market noong huling trading day ng linggo, kasunod ng paghimay ng mga investor sa huling interest rate hike ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Bumaba ang main PSEi ng 18.31 puntos o 0.30% upang magsara sa 6,135.35. Pumalo rin pababa ang mas malawak na All Shares index ng 12.64 puntos o 0.37% sa 3,380.77.

Ayon sa market analysts, naapektuhan ang sentimyento ng mga investor matapos itaas ng BSP ng 25 basis points ang policy rate, dahilan upang tumaas ang inaasahang returns sa fixed income at mabawasan ang kaakit-akit ng equities.

Giit ng BSP, ang hakbang ay bunsod ng patuloy na inflationary pressures, na pinalalala ng mataas na presyo ng langis at pataba sa pandaigdigang merkado.

Inaasahan naman ng central bank na aabot sa 6.4% ang average inflation ngayong taon, mas mataas kumpara sa dating projection na 6.3%, kasunod ng mga supply shock na may kaugnayan sa tensyon sa Gitnang Silangan.

-- ADVERTISEMENT --

Halos lahat ng sektor ay nagtapos sa negatibong teritoryo:

  • Industrial: -0.09%
  • Holding firms: -0.80%
  • Property: -0.28%
  • Services: -0.84%
  • Mining and oil: -3.76%

Umabot sa higit 1.321 bilyong shares ang na-trade na may kabuuang halagang P11.175 bilyon. Mas marami ang bumaba (111) kaysa tumaas (81), habang 48 naman ang hindi nagbago.