
Bahagyang humina ang piso kontra dolyar habang nagtapos sa negatibong teritoryo ang Philippine financial markets nitong Huwebes, kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at umiigting na tensiyong geopolitical.
Bumaba ng 4.5 sentimos ang halaga ng piso at nagsara sa ₱63.72 kada dolyar, mula sa ₱63.675 noong Miyerkules.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation chief economist Michael Ricafort, kabilang sa mga nakaapekto sa palitan ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado at mga palatandaan ng mas maingat na paghihigpit sa monetary policy ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Samantala, naputol naman ang tatlong magkakasunod na araw ng pag-angat ng Philippine Stock Exchange index (PSEi) matapos itong bumaba ng 3.28 puntos o 0.06 porsiyento sa 5,490.13.
Bumagsak din ng 0.94 puntos o 0.03 porsiyento ang mas malawak na All Shares index sa 3,052.97.
Iniugnay rin ni Ricafort ang paghina ng stock market sa pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensiyon sa Middle East, kabilang ang mga pag-atake ng Houthi rebels sa Saudi Arabia at mga insidente ng pagkatama ng mga barko sa mga minahan sa Strait of Hormuz.
Gayunman, sinabi ng ekonomista na nakapagtala pa rin ang piso ng net appreciation laban sa dolyar sa loob ng halos isang buwan mula nang magbigay ng katiyakan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa halaga ng piso noong Oktubre 28.










