Nakapagtala ang Pilipinas ng paglawak ng mga bakawan o mangrove cover sa nakalipas na apat na dekada, batay sa pinakahuling datos ng Global Mangrove Watch.

Ayon sa ulat, nadagdagan ng 473.43 kilometro kuwadrado ang mangrove cover ng bansa mula 1985 hanggang 2025, kaya umabot na ito sa kabuuang 3,037.78 kilometro kuwadrado noong 2025.

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang nakapagtala ng pagtaas ng mangrove cover, kasama ang Australia, India, Pakistan at Senegal. Sa buong mundo, umabot naman sa netong pagdagdag na 477.2 kilometro kuwadrado ang mga bakawan, katumbas ng 0.3 porsiyentong pagtaas sa parehong panahon.

Ayon sa Global Mangrove Watch, bahagi ng paglawak ng mga bakawan ay bunga ng pagtatanim at mga programa sa pagpapanumbalik ng mga dating tirahan nito.

Sa Pilipinas, kabilang sa mga pagsisikap na ito ang mga programang pinangungunahan ng pamahalaan at mga komunidad, gaya ng rehabilitasyon ng bakawan sa Zamboanga Sibugay at pagpapalawak ng mangrove reserve sa Del Carmen, Siargao.

-- ADVERTISEMENT --

Mahalaga ang mga bakawan dahil nagsisilbi itong panangga ng mga pamayanang baybayin laban sa storm surge at pagtaas ng lebel ng dagat. Nakakatulong din ang mga ito sa seguridad sa pagkain, kabuhayan ng mga komunidad at paglaban sa climate change.

Gayunman, nagbabala ang Global Mangrove Watch na hindi nangangahulugan ang pandaigdigang pagtaas ng mangrove cover na lahat ng bansa ay nakapagtala ng pag-unlad, dahil may mga lugar pa ring nakararanas ng malaking pagkawala ng mga bakawan.