Nakabalik na sa Pilipinas ang 34 overseas Filipino workers (OFWs) mula Saudi Arabia nitong Lunes, habang 65 pa ang inaasahang darating ngayong Martes, Oktubre 20.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), isinagawa ang pagpapauwi sa mga OFW matapos kanselahin ng mga airline ang mga biyahe sa pagitan ng Riyadh at Maynila bunsod ng tumitinding tensiyon na kinasasangkutan ng Saudi Arabia at mga rebeldeng Houthi sa Yemen.

Dumating ang 34 na OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Qatar Airways flight QR93 mula Doha, matapos bumiyahe mula Al Qassim, Saudi Arabia.

Bago ang kanilang pag-alis, binigyan sila ng OWWA team sa Riyadh ng oryentasyon, transportasyon, pagkain, pansamantalang matutuluyan at tulong sa pagproseso ng mga dokumento.

Samantala, kabilang sa 65 OFW na inaasahang darating ngayong Martes ang 50 mula Al Qassim at 15 na nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga na manggagaling naman sa Dammam.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang koordinasyon ng OWWA sa Department of Migrant Workers, Embahada ng Pilipinas at Migrant Workers Office sa Riyadh upang mapabilis ang pagpapauwi sa mga Pilipinong apektado ng sitwasyon sa Saudi Arabia.