Isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapabuti sa nurse-to-patient ratio sa mga ospital, pagpuno sa mga bakanteng posisyon at pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa career growth ng mga Pilipinong nars.

Inihayag ito ng Pangulo sa Philippine Nurses Association National Annual Convention 2026 sa Pasay City nitong Lunes, kung saan kinilala niya ang mahalagang ambag ng mga nars sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan sa bansa at maging sa ibang panig ng mundo.

Ayon kay Marcos, kailangang palakasin ang kapakanan at propesyonal na pag-unlad ng mga nars upang mas mahusay nilang magampanan ang kanilang tungkulin at matiyak ang mas maayos na serbisyo sa mga pasyente.

Sinabi rin ng Pangulo na nakikipagtulungan ang kaniyang administrasyon sa Department of Health, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority upang suportahan ang mga nars.

Kabilang sa mga programa ang Clinical Care Associates Program, na nagbibigay ng oportunidad sa mga nursing graduate na hindi pa nakapapasa sa licensure examination, kabilang ang mga review class at pagkakataong makapagtrabaho.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din ni Marcos ang pagtaas ng pondo para sa Health Emergency Allowance mula ₱6.8 bilyon noong 2022 tungo sa mahigit ₱110 bilyon ngayong 2026 para sa mga manggagawang pangkalusugan sa pampubliko at pribadong sektor.