
Patuloy na humihina ang Super Typhoon Rosal habang papalapit sa Extreme Northern Luzon, ngunit posible pa ring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa Batanes, ayon sa PAGASA.
Sa 11 AM bulletin ngayong Huwebes, October 22, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 400 kilometro silangan ng Basco, Batanes, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 185 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 230 kilometers per hour.
Kumikilos ang Rosal pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour, habang umaabot sa 780 kilometro mula sa sentro nito ang lawak ng malalakas na hangin.
Nananatiling nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes at hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands, habang Signal No. 1 naman sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, silangang bahagi ng Isabela, Ilocos Norte at Apayao.
Ayon sa PAGASA, posible pa ring itaas ang Signal No. 3 sa Batanes, ngunit magiging mas maliit ang posibilidad nito kung tatahak ang bagyo sa mas pahilagang ruta.
Inaasahang pinakamalapit ang Rosal sa Extreme Northern Luzon mula ngayong Huwebes ng hapon hanggang Biyernes ng umaga, bago tuluyang lumiko pahilaga at pahilagang-silangan.
Posible namang lumabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ng gabi o madaling-araw ng Sabado, October 24.
Bagama’t patuloy na humihina, inaasahang mananatiling malakas ang bagyo at maaari itong ma-downgrade bilang typhoon ngayong araw, bago maging severe tropical storm sa Sabado.
Nagbabala rin ang PAGASA sa malalakas na pagbugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin sa ilang lugar sa Mindanao, dulot ng epekto ng Rosal at northeasterly windflow.
Maaari ring umabot sa 12 metro ang taas ng alon sa hilaga at silangang baybayin ng Batanes, at siyam na metro naman sa Babuyan Islands at ilang baybayin ng Cagayan, kaya mahigpit na pinapayuhan ang mga sasakyang pandagat na manatili muna sa pantalan.
Patuloy na pinapayuhan ang publiko, partikular ang mga residente sa mga lugar na nanganganib sa malalakas na hangin, pagbaha at pagguho ng lupa, na makinig sa mga abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan.










