Muling lumakas bilang isang Super Typhoon ang bagyong may international name na Champi habang patuloy na binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong alas-2 ng hapon, Oktubre 19.

Ayon sa weather bureau, inaasahang papasok sa PAR ang bagyo sa Martes, Oktubre 20, at papangalanang Rosal.

Inaasahang kikilos ang Super Typhoon Champi sa direksiyong pakanluran-hilagang-kanluran patungo sa Taiwan o Ryukyu Islands habang binabagtas ang Philippine Sea.

Bagama’t mababa ang posibilidad na direktang mag-landfall sa bansa, inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan ang trough o extension ng bagyo sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas.

Posible ring itaas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 o 4 ang babala sa Extreme Northern Luzon, kabilang ang Batanes at Babuyan Islands. Inaasahan ding palalakasin ng bagyo ang gale warning sa mga baybayin ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --