
Inaasahang idedeklara ng state weather bureau ang very strong El Niño o Super El Niño sa pagtatapos ng 2026 hanggang unang quarter ng 2027, na maaaring magdulot ng matinding tagtuyot at kakulangan sa tubig sa bansa.
Ayon kay Romy Ganal ng Northern Luzon PAGASA Regional Services Division, maituturing na very strong El Niño ang kondisyon kapag lumampas sa 2 degrees celsius ang pagtaas ng temperatura sa karagatan na nasa 2.1 degrees Celsius na sa kasalukuyan.
Batay sa monitoring sa Cagayan Valley, posibleng makaranas ng drought ang Quirino sa pagtatapos ng Oktubre, dry spell naman sa Isabela at Nueva Vizcaya habang patuloy na binabantayan ang sitwasyon sa Cagayan at Batanes dahil sa posibilidad na maapektuhan din ang mga ito kapag nagpatuloy ang kakulangan sa ulan.
Inaasahang mas mararamdaman ang epekto nito sa panahon ng tag-init mula Marso hanggang Mayo 2027, partikular sa agrikultura at suplay ng tubig.
Binigyang-diin ni Ganal na hindi nangangahulugang tuluyang mawawala ang ulan sa panahon ng El Niño, ngunit mas mababa ang inaasahang pag-ulan kumpara sa normal na dami nito.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na magtipid ng tubig at kuryente bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.










