
Nasawi ang isang piloto ng Philippine Air Force na nagmula sa Iguig, Cagayan, kasama ang tatlo pang tauhan ng militar matapos magbanggaan sa himpapawid ang dalawang training aircraft sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas, noong Biyernes, Oktubre 23.
Kinilala ang nasawing piloto na si 1st Lt. Angeleo Adrian Peñaflor, na kinumpirma ng Philippine Air Force na kabilang sa mga nasawi sa insidente.
Ayon sa ulat, naganap ang banggaan habang nagsasagawa ng flight training exercise ang dalawang SF-260 aircraft.
Nagpahayag naman ng pagdadalamhati at pakikiramay ang mga kaibigan at kaanak ni Peñaflor sa pamamagitan ng social media.
Samantala, ligtas na nakabalik sa himpilan ang lima pang sasakyang panghimpapawid na kasama sa formation training flight.
Naglunsad na ng imbestigasyon ang Philippine Air Force upang matukoy ang mga pangyayaring humantong sa nakamamatay na banggaan.










