
Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang libel at cyberlibel complaint na isinampa ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte laban sa mga opisyal at mamamahayag ng network.
Kabilang sa mga kinasuhan ang mga executive, news anchor, field reporter at news producer ng GMA, gayundin sina National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag at dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr.
May kaugnayan ang reklamo sa ulat tungkol sa mga alegasyon ni Gracioso hinggil sa umano’y paghahatid ng mga maleta na may lamang pera na kinasasangkutan ng ilang kilalang personalidad sa politika.
Sinabi ng NUJP na dumaan sa masusing beripikasyon, pagsusuri ng mga dokumento at legal na proseso ang ulat bago ito ipalabas.
Kinondena rin ng grupo ang umano’y online harassment at pananakot sa field reporter at pamilya nito, kabilang ang mga mapanirang mensahe at pekeng nilalamang binago gamit ang artificial intelligence.










