Mahigit 12,500 magsasakang Pilipino ang inaasahang makikinabang sa 34.1-milyong dolyar o katumbas ng humigit-kumulang ₱2.169 bilyong grant mula sa United States para sa pagpapaunlad ng industriya ng ube sa bansa.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), limang taon ang programang naglalayong palakasin ang produksyon ng ube at ang partisipasyon ng Pilipinas sa pandaigdigang food at beverage supply chain.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na makatutulong ang pondo upang mapataas ang produksyon, matugunan ang lumalaking demand sa pandaigdigang merkado, at mapalawak ang oportunidad sa kita ng mga magsasaka.

Ipapatupad ang proyekto ng US-based nonprofit organization na TechnoServe, na magbibigay ng teknikal na suporta sa pagpapaunlad ng industriya.

Bahagi rin ito ng programang ₱300 milyon ng pamahalaan na naglalayong palawakin ang lokal na produksyon ng ube at madagdagan ng 1,000 ektarya ang taniman sa unang taon.

-- ADVERTISEMENT --

Target ng pinagsamang programa na mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas na mag-suplay ng ube sa pandaigdigang merkado nang hindi nahihigitan ng demand ang kayang likhain ng mga lokal na magsasaka.