
Nakakuha ang Pilipinas ng hanggang $600 milyon o tinatayang ₱36.95 bilyon na grant mula sa Estados Unidos para palakasin ang healthcare system at kakayahan ng bansa sa pagtugon sa mga banta sa kalusugan.
Ayon sa Department of Finance, ipatutupad ang grant sa ilalim ng Strategic Objective Agreement o SOAG, sa pangunguna ng Department of Health.
Gagamitin ang pondo sa pagpapalakas ng disease surveillance, pagtukoy at pagtugon sa mga outbreak, at pagpapahusay ng healthcare delivery at health sector management.
Susuportahan din nito ang mga programa laban sa HIV, tuberculosis, neglected tropical diseases, at para sa kalusugan ng mga ina, bagong silang at mga bata.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, mahalagang puhunan ang healthcare upang mapalakas ang kakayahan ng bansa sa pagtugon sa health emergencies at makapagpatayo ng mas matatag at sustainable na health system.










