Pormal nang kinasuhan ng murder at robbery ng mga prosecutor sa Japan ang isang 20-anyos na US Marine kaugnay ng pagkamatay ng isang 39-anyos na babae sa Okinawa.

Ayon sa tagapagsalita ng korte sa Naha, inihain ang kaso noong Oktubre 25. Batay sa indictment, pinaghihinalaang sinakal ng suspek ang biktimang mula sa Naha gamit ang kordon ng telepono sa isang hotel noong Oktubre 3. Inakusahan din siyang pagnanakaw ng backpack na naglalaman ng wallet at iba pang personal na gamit ng babae.

Itinanggi ng Marine ang mga paratang nang siya ay arestuhin, ngunit iniulat na kalaunan ay gumawa ito ng mga pahayag na nagpapahiwatig ng posibleng pagkakasangkot sa insidente.

Nagbunsod ng galit ng publiko ang kaso at muling nagpasiklab sa kontrobersiya tungkol sa malaking presensiya ng mga sundalong Amerikano sa Okinawa, kung saan matagal nang nagpoprotesta ang ilang residente dahil sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga tauhan ng militar ng Estados Unidos.

Dahil dito, sinabi ni Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi na sinusuri ng mga opisyal ang mga patakaran sa asal ng mga sundalong Amerikano sa labas ng kanilang mga kampo.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpatupad din ang militar ng Estados Unidos ng isang buwang curfew matapos ang dalawang araw na paghinto sa ilang operasyon upang paigtingin ang disiplina ng mga tauhan.

Tinatayang 54,000 sundalong Amerikano ang nakatalaga sa Japan, karamihan ay nasa Okinawa.