Nanawagan ang pamunuan ng public cemetery sa Pengue, Tuguegarao City sa publiko na panatilihin ang disiplina, kalinisan at kaayusan sa kanilang pagdalaw sa mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.

Ayon kay Norberto Guiquing, Administrator ng naturang sementeryo, bagamat maayos ang daloy ng mga bumibisita, mahalagang sundin ng publiko ang mga ipinatutupad na panuntunan, partikular ang tamang pagtatapon ng basura at paggalang sa sagradong lugar.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pag-inom ng alak at pagdadala ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa loob ng sementeryo.

Samantala, hiniling din ni Guiquing sa mga otoridad na limitahan ang pagpasok ng mga sasakyan upang hindi maabala ang mga naglalakad na bisita, lalot limitado ang parking area sa loob ng sementeryo.

Nabatid na nasa 20 hanggang 30 tauhan ang nakatalaga sa paglilinis at pagpapanatili ng kaayusan sa lugar, kabilang ang mga maglilinis ng mga basura matapos ang Undas.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang bahagi ng suporta sa mga manggagawa, magkakaroon ng koleksyon na tig-50 pisong kontribusyon mula sa mga nagtitinda sa paligid ng sementeryo upang ipambili ng pagkain ng mga tauhang maglilinis pagkatapos ng paggunita.

Pinayuhan naman ang publiko na makipagtulungan sa mga pulis at iba pang ahensyang nakatalaga sa sementeryo at patuloy na pairalin ang paggalang sa mga patakaran upang maging maayos at mapayapa ang paggunita sa Undas.