
Maliit ang posibilidad na maging tropical depression sa susunod na 24 oras ang low pressure area (LPA) na binabantayan sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), habang mino-monitor din ang isang bagyo sa labas ng bansa.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang LPA kaninang alas-otso ng umaga sa layong 335 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang Typhoon ‘In-Fa’ sa labas ng PAR, na nasa layong 2,175 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging 165 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 205 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Dahil sa LPA, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Visayas, Mindanao, Bicol Region at MIMAROPA.
Samantala, ang shear line naman ang magdadala ng pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Aurora at Quezon; habang northeast monsoon ang makaaapekto sa Ilocos Region, Cordillera at iba pang bahagi ng Cagayan Valley.










