Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na gawing inspirasyon ang buhay at mga sakripisyo ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagtulong at pagpapakita ng malasakit sa kapwa ngayong Undas.

Nakikiisa ang Pangulo sa mga Katoliko at sa buong bansa sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Ayon kay Pang. Marcos, ang pagdalaw sa mga sementeryo ay pagkakataon upang alalahanin ang mga mahal sa buhay, magdasal para sa kanila at muling magsama-sama ang mga pamilya.

Dagdag niya, kahit wala na ang mga yumao, mananatili ang kanilang pagmamahal at mga alaala.

“I join the Catholic faithful and the entire Filipino nation in the solemn observance of All Saints’ Day and All Souls’ Day. Across the country, families return to cemeteries, offering prayers and celebrating the lives and legacies of departed loved ones. Some travel great distances for these visits, finding an opportunity to reunite with relatives and recall the moments they once shared,” mensahe ni Pang. Ferdinand Marcos.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din ng Pangulo ang publiko na tularan ang kabutihan at pagtulong sa kapwa na ipinakita ng mga santo at iba pang taong nagsakripisyo para sa kanilang komunidad.

Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo, na hindi lamang dapat sa mga yumao ipinapakita ang pagmamahal at pag-aalala, kundi pati sa mga taong nangangailangan ng tulong.

Aniya, mas magiging makabuluhan ang Bagong Pilipinas kung paiiralin ng bawat isa ang kabutihan at malasakit sa kapwa.

Dagdag pa ni Pangulong Marcos, “May these solemn days bring peace to those who mourn and remind us to cherish those who remain.”