
Nasawi ang isang Germanong miyembro ng flight crew at isang Slovak na business manager matapos umanong makuryente sa swimming pool ng isang marangyang hotel sa Bengaluru, India, noong Oktubre 30.
Ayon sa mga ulat, hinihinalang may kuryenteng kumalat sa tubig ng pool, subalit hindi pa natutukoy ng mga imbestigador ang sanhi ng insidente.
Dinala ang dalawang biktima sa ospital, ngunit idineklarang wala nang buhay ang isa habang hindi na rin naisalba ang isa pa na dumating na nasa cardiac arrest.
Nagamot din sa ospital ang isang hotel staff na nagtangkang sumagip sa dalawa at isang Amerikanong bisita na nakalangoy patungo sa ligtas na lugar. Kapwa nasa stable na kondisyon ang mga ito.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay ang pamunuan ng hotel at tiniyak ang buong pakikipagtulungan sa imbestigasyon.




