
Umagaw ng pansin ang isang kalahok na nakasuot ng unipormeng kahawig ng isang government contractor sa Halloween costume party ng isang coffee shop sa Batangas City.
Tila patama ang kasuotan sa kontrobersiya ng mga umano’y ghost flood control project na kinasasangkutan ng ilang kontratista at opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Nagsuot naman ang iba pang kalahok ng iba’t ibang nakakatakot at kakaibang kasuotan, kabilang ang mga duguang karakter, halimaw, multo at Grim Reaper.
Ayon kay Aaros Cabrera, isa sa mga may-ari ng BlueMoon Philippines, hindi nila inaasahan ang napiling kasuotan ng kalahok at wala ring layuning pampulitika ang kanilang aktibidad.
Nilinaw rin niyang hindi nila kontrolado ang mga kostyum na pinipili ng kanilang mga customer.
Makakatanggap ng tatlong libong piso ang mapipiling best costume, dalawang libong piso para sa ikalawang puwesto at limang daang pisong gift certificate naman para sa ikatlong puwesto.










