Naghain si Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ng resolusyon na naglalayong magtakda ng malinaw na alituntunin at posibleng parusa sa mga senador na matagal na lumiliban sa trabaho nang walang pahintulot.

Inihain ni Sotto, na chairman ng Senate Committee on Ethics and Privileges, ang Senate Resolution No. 751 noong Oktubre 27. Tinukoy niya rito ang kakulangan sa kasalukuyang patakaran ng Senado pagdating sa mga parusang maaaring ipataw sa mga mambabatas na matagal na hindi dumadalo at dahil dito ay hindi nakikilahok sa mahahalagang tungkuling pambatas.

Ayon sa resolusyon, pag-aaksaya sa pera ng bayan ang ganitong pagliban at pagpapabaya sa tungkulin, na nagdulot na rin umano ng panawagan mula sa publiko nitong mga nakaraang buwan.

Binanggit din ni Sotto ang mga reklamong inihain laban sa ilang senador, bagama’t hindi niya pinangalanan ang mga ito. Iminungkahi niyang repasuhin ang kasalukuyang Rules of the Senate at ipagkatiwala sa Senate Committee on Rules ang pagbuo ng mga pormal na alituntunin upang matiyak na ginagampanan ng mga senador ang kanilang tungkulin sa mga mamamayang nagbabayad ng kanilang suweldo at mga benepisyo.