
Nasawi ang isang 20-anyos na Indian national matapos masagasaan at makaladkad ng tren ng Philippine National Railways o PNR sa Laguna.
Ayon kay PNR Manager Leo Miranda, biyaheng mula Lucena, Quezon ang tren nang mangyari ang insidente. Tumatawid umano ang biktima sa riles habang nakasuot ng helmet at hindi napansin ang paparating na tren.
Nakaladkad siya ng ilang metro at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Samantala, sumuko na sa pulisya ang tauhan ng PNR na sangkot sa insidente. Tiniyak naman ng ahensya na tutulungan nito ang pamilya ng biktima at ang kanilang empleyado.










