
Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Senator Vicente “Tito” Sotto III laban sa Philippine National Police (PNP) at iba pang security personnel matapos umanong mabigo ang mga itong kontrolin ang magulong crowd sa labas ng Senado nitong Miyerkules ng gabi.
Sa inilabas na pahayag sa kanyang Facebook account, sinabi ni Sotto na inatake umano siya habang nasa loob ng kanyang sasakyan at palabas na ng Senate compound.
Ayon sa senador, paulit-ulit umanong hinampas ng mga nagpoprotesta ang kanyang sasakyan, binato ng mga bote, at pinagmumura siya kahit nakita umanong mag-isa lamang siya at walang kasamang bodyguard.
Ipinahayag din ni Sotto ang kanyang pagkadismaya dahil sa dami umano ng naka-deploy na pulis sa paligid ng Senado ngunit hindi pa rin napigilan ang kaguluhan.
Nagkaroon ng tensyon sa Senado matapos hindi magpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema kaugnay sa warrant of arrest ng International Criminal Court laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, na kasalukuyang nasa protective custody ng Senado.
Kasunod nito, umalingawngaw rin ang mga putok sa loob ng Senado, bagamat sinabi ng mga awtoridad na walang nasugatan at patuloy pa ring inaalam kung sino ang nagpaputok.
Samantala, itinaas ng PNP sa full alert status ang kanilang hanay habang nilinaw naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang mga sundalong nakita sa loob ng Senado ay mga miyembro ng Marine Security and Escort Group.










