
Iniimbestigahan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang alegasyong palihim na lumalabas sa Quezon City Jail si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez.
Iniutos ni BJMP Chief Jail Director Efren Nemeño ang agarang pagsisiyasat nitong Martes matapos kumalat ang naturang alegasyon. Ayon sa ahensya, walang sinumang persons deprived of liberty o PDL ang maaaring lumabas ng kulungan nang walang kaukulang utos ng korte.
Nag-ugat ang alegasyon sa pahayag ng kolumnistang si Ramon Tulfo na umano’y pinapatay ang kuryente sa pasilidad tuwing lumalabas at bumabalik si Romualdez. Sinasabing gumagamit umano ito ng hagdan sa likod ng kulungan at naghihintay ang isang ambulansya upang sunduin siya.
Gayunman, batay sa paunang pagsusuri ng BJMP National Headquarters sa CCTV footage, walang naitalang pagkawala ng kuryente o pagkaantala sa surveillance cameras, gayundin walang nakitang paglabas ni Romualdez sa pasilidad sa panahong sinuri.
Nananatili sa kustodiya ng BJMP si Romualdez kaugnay ng kasong plunder na nagkakahalaga ng ₱7.44 bilyon, na may kaugnayan sa umano’y mga kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan. Itinanggi niya ang mga paratang at naghain na ng plea na not guilty sa korte.










