Nahaharap sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa kasong plunder si Cagayan 3rd District Representative Joseph “Jojo” Lara at ilang miyembro ng kanyang pamilya kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa mga construction firm na nakakuha ng bilyun-bilyong pisong kontrata mula sa pamahalaan.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, posibleng hindi naisagawa ang sinasabing pagbitiw ni Lara sa kanyang interes sa mga kumpanyang Pulsar Construction Corporation, JDL5 Construction Corporation at JLL Pulsar Construction Corporation.

Batay sa paunang pagsusuri, umano’y umabot sa 1.9 bilyong piso ang mga bayad sa mga construction firm na napunta pa rin sa pribadong bank account ng kongresista.

Tinatayang 10.02 bilyong piso naman ang umano’y nakuhang ill-gotten wealth ni Lara sa pakikipagsabwatan sa kanyang pamilya habang nanunungkulan sa gobyerno.

Kabilang sa iniimbestigahan ang kanyang asawang si Zarah Rose Lara, apat nilang anak at manugang na si Jessa Lara. Nahaharap din si Lara sa hiwalay na reklamo ng graft.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Ombudsman, patuloy nitong sinusuri ang mga transaksiyong pinansyal at ugnayan ng mga kumpanyang may kaugnayan sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

Hindi pa nakukuha ang panig ni Lara hinggil sa mga alegasyon.