
Ipinagtanggol ng Malacañang ang clearing operations sa mga lugar na malapit sa mga venue ng ASEAN Summit, at iginiit na layunin nitong matiyak ang seguridad ng mga lider ng halos 20 bansa na dadalo sa pagtitipon.
Itinanggi ni Palace Press Officer Claire Castro na layunin ng hakbang na “whitewashing” o pagtakpan ang tunay na kalagayan ng Maynila. Aniya, mahalagang maipakita ng bansa ang kakayahang magbigay ng sapat na seguridad at maayos na pagtanggap sa mga bisitang lider.
Sa Parañaque, kabilang sa nilinis ang paligid ng Baclaran Church. Sinabi ng lokal na pamahalaan na bibigyan ng tulong ang mga apektadong vendor at maaari silang makabalik sa kanilang puwesto sa Nobyembre 20, matapos ang summit.
Tinatayang 30 e-trike rin ang kinumpiska dahil sa pagbiyahe sa national road, habang naka-full alert at nakadeploy ang lahat ng 533 tauhan ng Parañaque City Police.
Samantala, magsasagawa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng huling inspeksiyon sa Philippine International Convention Center upang matiyak ang kahandaan ng bansa bago ang pagdating ng mga dayuhang lider. Nanawagan din ang Palasyo sa mga grupong magsasagawa ng protesta na pumili ng ibang araw upang hindi makaapekto sa summit.










