
Nagsasagawa ang pamahalaan ng clearing operations sa Pasay at Parañaque bilang bahagi ng paghahanda sa seguridad para sa 49th ASEAN Summit sa susunod na linggo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inaasahang dadalo sa pagtitipon ang halos 20 heads of state kaya kailangang tiyakin ang kaligtasan ng mga lider at iba pang delegado. Hindi muna pinapayagang magtinda ang mga vendor sa dalawang lungsod habang isinasagawa ang summit.
Namahagi naman ang DSWD-NCR ng family food packs at pinansyal na tulong sa nasa 30 vendor sa Pasay bilang kabayaran sa inaasahang pagkawala ng kanilang kita.
Hinimok din ni Castro ang publiko na ilabas ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan bago o pagkatapos ng summit, sa halip na itapat ito sa pagdating ng mga dayuhang delegado.
Gaganapin ang ASEAN Summit sa Nobyembre 16 hanggang 18 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. Samantala, magsasagawa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng inspeksyon sa mga paghahanda para sa pagtitipon.










