Umabot sa tinatayang P4.509 bilyon ang kabuuang bank transactions na nakaugnay kay suspended Leyte First District Representative Martin Romualdez noong nagsilbi siyang House Speaker mula Hunyo 2022 hanggang Setyembre 2025.

Ito ang inilahad ni Atty. Jan Mark Busa, financial investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), sa pagdinig sa kasong plunder laban kay Romualdez kaugnay ng umano’y P7.4-bilyong ill-gotten wealth mula sa mga proyekto ng pamahalaan.

Batay sa pagsusuri ng AMLC sa 1,951 transaction reports mula Abril 2003 hanggang Oktubre 2025, nasa 35 account ang lumitaw sa mga rekord. Sinabi rin ni Busa na kapansin-pansing bumaba ang mga transaksiyon matapos ang termino ni Romualdez bilang House Speaker.

Gayunman, nilinaw ng testigo na wala silang natukoy na ebidensiyang ang P560.5 milyong inflows sa mga account ni Romualdez mula 2022 hanggang 2025 ay nagmula sa ilegal na aktibidad o direktang may kaugnayan sa flood control projects.

Wala rin umanong natukoy na inflows mula sa mga kontratista, DPWH o dating kongresistang si Zaldy Co. Samantala, iginiit ng prosekusyon na maaaring hindi naitala sa mga bank account ang sinasabing paghahatid ng kickback na cash.

-- ADVERTISEMENT --

Inilahad din ng AMLC ang ilang transaksiyong kinasasangkutan ng mga kumpanyang iniuugnay sa abogadong si Jose Raulito Paras, kabilang ang paglilipat ng daan-daang milyong piso mula sa mga account ni Romualdez patungo sa Braavos Holdings.

Patuloy na sinusuri ng Sandiganbayan ang mga ebidensiyang inihaharap ng prosekusyon at depensa sa naturang kaso.