Binigyang-diin ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na hindi nangangahulugan ng pagkakasala ang ipinataw na 90-day preventive suspension laban sa kanya kaugnay ng kasong plunder.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, nilinaw mismo ng Sandiganbayan na kailangan pang patunayan sa paglilitis ang umano’y pagkakasangkot nito sa plunder at pagtanggap ng kickback o komisyon.

Sinabi ni Fajardo na ang resolusyon ng korte noong Nobyembre 10 ay tumutukoy lamang sa legal na information at sa mandatoryong pagpapatupad ng preventive suspension sa ilalim ng batas.

“The court has not found Martin guilty of plunder. It has not established that he received a single peso in illegal commissions or kickbacks,”pahayag ni Atty. Fajardo.

Dagdag niya, wala pang hatol ang korte na nagkasala si Romualdez o tumanggap ito ng anumang ilegal na komisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t nakakulong na ang dating Speaker at hindi na nagagamit ang karaniwang kapangyarihan ng kanyang tanggapan, iginiit ng depensa na iginagalang nila ang desisyon ng korte at pinag-aaralan ang mga posibleng legal na hakbang.

Binigyang-diin ni Fajardo na nananatili sa prosekusyon ang obligasyong patunayan ang mga alegasyon laban kay Romualdez.

“Hindi hatol ng pagkakasala ang suspension. Mismong korte ang nagsabing kailangan pang patunayan ang mga paratang. Hindi sapat ang akusasyon—kailangan ng ebidensya,” pahayag ni Atty. Fajardo.