Nanawagan ang Supreme Court (SC) ng mabilis, masusi at walang kinikilingang imbestigasyon sa pagpatay kay Isabela City Regional Trial Court Branch 2 Judge Joseph Wee Sit.

Sa pahayag, tiniyak ng Korte Suprema na patuloy itong makikipagtulungan sa mga awtoridad at susubaybay sa imbestigasyon upang matiyak na mapapanagot ang mga nasa likod ng krimen.

Nabatid na bumuo na ang Philippine National Police ng Special Investigation Task Group upang imbestigahan ang pamamaril at palakasin ang pagtugis sa mga suspek.

Nagsampa na rin ng reklamo sa Office of the City Prosecutor laban sa natukoy na gunman at dalawa pang hindi pa nakikilalang kasabwat.

Samantala, nakikipag-ugnayan ang Office of the Judiciary Marshal para sa kinakailangang seguridad ng pamilya ng biktima at pagpapalakas ng seguridad sa Isabela City RTC Branch 2.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng SC na hindi ito magpapadala sa karahasan at pananakot sa pagtupad ng hudikatura sa tungkulin nitong maging malaya at patas.

Napatay si Judge Wee Sit matapos siyang pagbabarilin sa Tumaga-Putik Road sa Barangay Tumaga noong Nobyembre 12.