
Hindi itinuturing ng Pilipinas na kabiguan ang hindi pagkumpleto sa panukalang Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa kabila ng pagtatapos ng termino nito bilang tagapangulo ng ASEAN.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, kuntento ang bansa sa naging resulta ng negosasyon matapos makamit ang halos 80 porsiyento o higit pa sa mga napag-usapan tungkol sa kasunduan.
Sinabi ni Lazaro na posibleng natapos na sana ang draft ng COC kung nagkaroon pa ang Pilipinas ng karagdagang anim na buwan bilang ASEAN chair.
Sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas, siyam na round ng negosasyon ang naisagawa upang isulong ang naturang kasunduan.
Gayunman, ipauubaya na sa Singapore, na magiging susunod na tagapangulo ng ASEAN sa 2027, ang pagpapatuloy ng mga talakayan at pagtukoy sa panahon kung kailan tuluyang matatapos ang COC.










