
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagtiyak na nakabatay sa international law ang mga dayalogo ng ASEAN at mga katuwang nitong bansa sa gitna ng kaguluhan at kawalan ng katiyakan sa mundo.
Sa kanyang pambungad na talumpati sa ASEAN-East Asia Summit, sinabi ni Marcos na kailangang panatilihin ang dayalogo, palakasin ang pagkakaisa ng ASEAN at palalimin ang praktikal na kooperasyon upang matugunan ang mga nagbabagong hamon sa rehiyon.
Binigyang-pansin din ng Pangulo ang lumalawak na banta ng online scams at iba pang krimeng tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa.
Ayon sa kanya, mahalaga ang pagtutulungan sa larangan ng kalakalan, enerhiya, imprastraktura at supply chains upang mapalakas ang katatagan ng ekonomiya at seguridad ng mga mamamayan.
Dagdag pa ni Marcos, nagsisilbing mahalagang plataporma ang East Asia Summit upang mapag-usapan ang magkakaibang pananaw at interes ng mga bansa, mapatatag ang tiwala at maisulong ang kooperasyon para sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.










