
Nagbabala ang isang psychologist laban sa labis na pressure na maging masaya tuwing Kapaskuhan, dahil may ilang indibidwal na nakararanas ng kalungkutan, stress at pakiramdam ng pag-iisa sa kabila ng masayang selebrasyon.
Ayon kay psychologist Jholyan Fornillos ng University of the Philippines Los Baños, kabilang sa mga karaniwang sanhi ng tinatawag na “holiday blues” ang pagdadalamhati sa pagkawala ng mahal sa buhay, problemang pinansyal at mataas na social expectations.
Ipinaliwanag niyang maaaring mas maramdaman ang pangungulila tuwing Pasko ng mga taong nawalan ng kapamilya o kaibigan. Dagdag pa rito ang gastusin sa regalo, pagkain at paghahanda na nagiging dagdag-pasanin sa mga pamilyang kapos sa budget.
Maaari ring magdulot ng stress ang paghahambing ng sariling pagdiriwang sa nakikita sa social media.
Payo ng psychologist, huwag piliting maging masaya at magtakda ng makatotohanang inaasahan sa sarili. Mahalaga ring makasama ang mga taong nagbibigay ng suporta, magkaroon ng sapat na pahinga at huwag matakot tumanggi sa mga imbitasyong nagdudulot ng stress.
Pinayuhan din ang publiko na kumonsulta sa mental health professional kung nagpapatuloy o lumalala ang kalungkutan at naaapektuhan na ang pang-araw-araw na gawain, pagtulog at pagkain.










