Nagbabala ang National Center for Mental Health o NCMH na maaaring magpalala ng takot, kalituhan at emotional distress sa mga bata ang paulit-ulit na pagkakalantad sa online content tungkol sa school violence.

Ayon kay NCMH Medical Center Chief Dr. Noel Reyes, kabilang sa dapat bantayan ang graphic videos, larawan, haka-haka at hindi beripikadong impormasyon tungkol sa mga insidente ng pamamaril sa paaralan.

Aniya, kahit hindi direktang nakaranas ng insidente ang isang bata, maaaring maramdaman nitong patuloy pa rin ang banta kapag palagi itong nakakakita ng ganitong content. Maaari itong mauwi sa anxiety, hirap sa pagtulog at intrusive memories.

Dahil dito, hinikayat ng NCMH ang mga magulang na bantayan hindi lamang ang screen time ng mga anak kundi pati ang mga platform at content na kanilang pinapanood.

Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng mental health programs sa mga paaralan, kabilang ang anti-bullying programs, responsible digital citizenship, emotional learning at mas madaling access sa counseling at professional intervention.

-- ADVERTISEMENT --