Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12327 o Basic Education Voucher Assistance Act na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong estudyanteng nais mag-aral sa mga pribadong paaralan.

Saklaw ng programa ang mga estudyanteng kabilang sa middle-middle-income households pababa, partikular ang mga hindi makapasok sa pampublikong paaralan dahil sa kakulangan ng silid-aralan o layo ng paaralan.

Sa ilalim ng batas, Department of Education (DepEd) ang tutukoy sa mga kwalipikadong benepisyaryo, halaga ng voucher at mga pribadong paaralang maaaring lumahok sa programa.

Uunahing mabigyan ng tulong ang mga estudyanteng nagmumula sa mga pampublikong paaralang siksikan, gayundin ang mga nakatira sa mga lugar na walang malapit na pampublikong paaralan.

Magsisimula ang pagpapatupad ng programa sa kindergarten at elementarya sa School Year 2027-2028.

-- ADVERTISEMENT --