
Sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na wala siyang nakikitang dahilan para lumampas sa P208 milyon ang deklaradong benta ng Cale88 Foods Corporation mula 2022 hanggang 2025.
Sa ika-45 araw ng paglilitis, iniharap ni Senate President at senator-judge Sherwin Gatchalian ang datos ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagpapakita ng P776 milyong pumasok na pondo sa kumpanya, kumpara sa P154.6 milyong inilabas nito.
Ayon kay DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo, batay sa operasyon ng kumpanya at mga dokumentong isinumite sa kanilang tanggapan, wala siyang nakitang dahilan para lumampas sa idineklarang sales revenue ang kita ng Cale88.
Ipinakita rin ni Gatchalian ang mga bank certification na isinumite ng DTI, na nagtala ng pinagsamang humigit-kumulang P46 milyong inflow noong 2023 at 2025—malayo sa halagang naitala ng AMLC.
Matatandaang sinabi ng AMLC na umabot sa P1.25 bilyon ang pinagsama-samang transaksiyon ng Cale88 mula 2022 hanggang 2025, kabilang ang P319 milyong natanggap mula sa China at Hong Kong.
Kinuwestiyon din ni Gatchalian kung bakit hindi nag-avail ang kumpanya ng mga tax incentive mula sa Board of Investments, kabilang ang income tax holiday at VAT zero-rating. Aminado naman si Rodolfo na hindi niya alam kung bakit hindi ito nag-apply sa naturang mga insentibo.




