Isinailalim sa state of calamity sa loob ng isang taon ang buong lalawigan ng Isabela matapos umabot sa P2.88 bilyon ang pinsala ng tagtuyot na dulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura.

Apektado ng naturang pinsala ang tinatayang 125,000 ektarya ng lupang sakahan, kung saan pinakamalaki ang naitalang pagkalugi sa produksyon ng mais na umabot sa P2.339 bilyon.

Nasa P506.2 milyon naman ang pinsala sa palay, habang P35.7 milyon ang naitalang pagkalugi sa iba pang high-value crops.

Posible ring maapektuhan ng kakulangan sa suplay ng tubig ang nasa 2,511 mangingisda sa mga lugar na bulnerable sa tagtuyot.

Inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang deklarasyon upang mapalakas ang paghahanda, pagtugon at rehabilitasyon, gayundin matiyak ang agarang tulong sa mga apektadong magsasaka at komunidad.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay PDRRMC Officer Atty. Constante Foronda, itinakda ang isang taong deklarasyon upang masaklaw hindi lamang ang agarang pagtugon kundi pati ang pagbangon ng mga magsasaka. Maaari rin aniyang paikliin ang panahon nito kung hindi magtatagal ang epekto ng El Niño.