Tiniyak ng Kamara de Representantes na mabilis na maihahatid ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ang ₱6.2 bilyong tulong para sa mahigit 310,000 magsasaka at mangingisda na apektado ng matinding El Niño.

Inihayag ito ni Quezon Representative Mark Enverga sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na isinagawa alinsunod sa direktiba ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.

Layunin ng pagdinig na matiyak na maayos na magagamit ang pondo ng bayan at direktang makararating ang tulong sa mga komunidad na labis na apektado ng tagtuyot.

Sa naturang pagdinig, iniulat ng Department of Agriculture na naglaan ito ng ₱61.99 bilyon sa ilalim ng 2026 budget para sa mga hakbang kontra El Niño, habang may karagdagang ₱10 bilyon na nakapaloob sa panukalang 2027 budget.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo, kabilang sa pondo ang ₱6.2 bilyong naipalabas na sa ilalim ng UPLIFT Program.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ng DA na tututukan nito ang pagpapanatili ng sapat na suplay ng pagkain, pagprotekta sa kita ng mga magsasaka at mangingisda, at pagpapanatiling abot-kaya ng presyo ng mga pangunahing bilihin.