Sunod-sunod na pagkarekober ng mga armas na iniwan o boluntaryong isinuko ng mga dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang naitala ng 86th Infantry “Highlander” Battalion sa Nueva Vizcaya.

Pinakahuli rito ang boluntaryong pagsuko ng isang dating miyembro ng grupo noong Nobyembre 21, 2026, matapos makipag-ugnayan sa mga tauhan ng militar.

Pinangunahan ng Female Civil-Military Operations (CMO) Team ng 86IB, katuwang ang Intelligence Team, ang pakikipag-ugnayan na nagresulta sa pagkarekober ng isang improvised 7.62mm M14 rifle, isang Armscor caliber .38 revolver, dalawang rifle grenade, isang magazine assembly para sa M14 series, 22 bala ng 7.62mm at apat na bala ng caliber .38.

Ayon sa dating miyembro, naging dahilan ng kaniyang pagbabalik-loob ang panawagan ng 86IB na handang tumulong sa mga dating kasapi ng armadong grupo na nais talikuran ang kanilang nakaraan at isuko ang mga armas.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakapagsagawa ng matagumpay na recovery operations ang batalyon.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Setyembre 21, narekober ang isang ELISCO M15A1 rifle, 28 bala ng 5.56mm at dalawang improvised explosive devices (IEDs).

Narekober din mula sa isang dating rebelde ang isang Garand rifle, apat na bala ng .30 caliber at isang magazine clip matapos itong mabigyan ng impormasyon tungkol sa mga benepisyo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Samantala, noong Hunyo 28, narekober din ang isang ELISCO M16A1 rifle, isang alloy long magazine, 16 na bala ng 5.56mm at dalawang 40mm ammunition matapos ituro ng isang dating kontak ng New People’s Army (NPA) ang pinagtaguan ng mga armas.

Nagpasalamat naman ang 86IB sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Region 2, kapulisan at iba pang katuwang na yunit ng militar sa kanilang suporta at koordinasyon.

Ayon sa batalyon, magpapatuloy ang kanilang intelligence at civil-military operations upang matukoy at marekober ang mga armas na posibleng magamit ng mga armadong grupo, kasabay ng paghikayat sa mga dating kasapi na tuluyang talikuran ang armadong pakikibaka.

Binigyang-diin naman ni 5th Infantry Division Commander Major General Gulliver L. Siñeres na bawat armas na narerekober ay nangangahulugan ng isang armas na hindi na magagamit sa karahasan at pananakot.