
Nakasakay na sa isang chartered flight sa NAIA Terminal 3 ang 139 na Indonesian deportees, alas-9:30 ngayong umaga.
Ayon sa Bureau of Immigration o BI, mahigpit na binabantayan ng kanilang mga tauhan ang pagpapatupad ng Summary Deportation Order No. BOC-2026-453 upang matiyak ang maayos at tamang turnover ng mga deportee sa mga awtoridad ng Indonesia.
Bahagi ito ng ipinatutupad na deportation process ng BI alinsunod sa umiiral na mga patakaran at koordinasyon sa pamahalaan ng Indonesia.
Nasagip ang mga Indonsian national noong Nobyembre 3, 2026 matapos salakayin ng PNP-CIDG ang isang hinihinalang international parcel scam hub sa KE Tower Building C, Cuneta Avenue, Pasay City.
Lumalabas na marami sa kanila ang umano’y na-recruit sa maling pangako ng trabaho tulad ng virtual assistant at napilitang magsagawa ng parcel scam at cyber-fraud.
Walang nakabinbing kasong kriminal laban sa kanila sa Pilipinas, ngunit inaasahang mahaharap sa kaukulang imbestigasyon o kaso pagdating sa Indonesia.




