
Kinuwestiyon ni Senator Imee Marcos kung bakit hindi umano kinonsulta ang Department of Foreign Affairs (DFA) bago ipahayag na sa Estados Unidos kukunin ng Pilipinas ang lahat ng pangangailangan nito sa agrikultura at enerhiya.
Sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng DFA, sinabi ni Marcos na nakababahala ang kawalan umano ng konsultasyon sa mga eksperto sa foreign policy at diplomasya.
Inamin naman ni Senator Erwin Tulfo, sponsor ng budget ng DFA, na nagulat din ang ahensya sa pahayag ni US President Donald Trump na sa Amerika na kukuha ang Pilipinas ng 100% ng suplay nito sa pagkain at enerhiya.
Ayon kay Tulfo, sa Department of Trade and Industry at Department of Agriculture na nakatalaga ang usapin, habang hinihintay ang karagdagang paglilinaw mula sa panig ng US.
Sinabi naman ni Marcos na nagpapakita ito na hindi naipabatid sa DFA ang naturang pahayag, kaya kinuwestiyon niya kung sino ang bumubuo ng polisiya sa foreign affairs kung hindi ang ahensya.









