Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapababa sa mandatory retirement age ng mga kawani ng gobyerno mula 60 tungong 56 anyos.

Nakakuha ang House Bill No. 10995 ng 209 boto pabor, walang tumutol at isang abstention.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magretiro ang mga miyembro ng GSIS sa edad na 56 kung nakapagsilbi na sila ng hindi bababa sa 15 taon at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanent total disability.

Layunin nitong bigyan ng opsyon ang mga kwalipikadong kawani na magretiro nang mas maaga at mabuksan ang mga posisyon para sa mas batang empleyado.