
Kinondena ng historical advocacy group na Project Gunita ang pagdalo ni Senador Imee Marcos sa isinagawang rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument, na tinawag nitong isang “historical perversion” at paglapastangan sa alaala ng mga biktima ng batas militar sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa pahayag ng Project Gunita co-founder na si Karl Patrick Suyat, sinabi nitong ang presensya ng senador sa naturang pagtitipon ay taliwas sa simbolismo ng EDSA People Power Revolution. Binalikan din ng grupo ang kaso ni Archimedes Trajano, na pinaslang noong 1977 matapos kuwestiyunin ang pamumuno ni Imee Marcos sa Kabataang Barangay, at iginiit na nananatiling mahalagang bahagi ito ng kasaysayan ng panahon ng batas militar.
Binatikos din ng grupo si Marcos dahil sa umano’y hindi paghingi ng paumanhin sa mga naging biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao at sa kanyang partisipasyon sa pelikulang Maid in Malacañang, na ayon sa kanila ay bahagi ng pagtatangkang baguhin ang pananaw ng publiko sa kasaysayan ng pamilya Marcos.
Kasabay nito, nanindigan ang Project Gunita na hindi dapat gamitin ng alinmang political faction ang mga simbolo at kasaysayan ng EDSA People Power Revolution para sa pansariling layuning pampulitika. Inilabas ng grupo ang pahayag habang libo-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo ang nagtipon sa EDSA People Power Monument bilang pagpapakita ng suporta kay Senador Rodante Marcoleta.










