Tumanggap ng Plaque of Recognition ang Bombo Radyo Tuguegarao mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 bilang pagkilala sa patuloy nitong suporta, pakikipagtulungan at makabuluhang kontribusyon sa mga programa at inisyatiba ng ahensya.

Iginawad ang pagkilala sa isinagawang Panagyaman o Pasasalamat Awards noong Nobyembre 24 sa lungsod ng Tuguegarao, kung saan pinarangalan ang iba’t ibang institusyon at organisasyong naging katuwang ng DSWD sa paghahatid ng mga programa at serbisyong panlipunan sa rehiyon.

Kinikilala sa naturang parangal ang mahalagang papel ng Bombo Radyo Tuguegarao sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga programa at serbisyong nakalaan para sa publiko, gayundin ang patuloy na pakikipagtulungan nito sa ahensya.

Naging panauhing pandangal sa aktibidad si Cabinet Secretary Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at iba’t ibang stakeholders, kabilang ang Civil Society Organizations (CSOs), upang mas epektibong maipatupad ang mga programa ng gobyerno.

Binigyang-diin din ni Abalos ang mahalagang papel ng DSWD sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan, partikular sa panahon ng mga sakuna at kalamidad, gayundin sa pagtugon sa mga suliraning panlipunan tulad ng malnutrisyon.

-- ADVERTISEMENT --