
Maglalabas ang Social Security System (SSS) ng kabuuang ₱45.26 bilyon para sa 13th-month pension at regular na pensiyon ng mahigit apat na milyong pensioner simula Disyembre 1, 2026.
Ayon sa SSS, hahatiin sa dalawang batch ang pamamahagi ng benepisyo para makatulong sa mga pensioner ngayong holiday season.
Unang ilalabas sa Disyembre 1 ang ₱25.33 bilyon na pakikinabangan ng tinatayang 2.39 milyong pensioner na tumatanggap ng benepisyo sa pamamagitan ng SSS at Employees’ Compensation pension accounts.
Susundan ito ng ikalawang batch na nagkakahalaga ng ₱19.88 bilyon sa Disyembre 4 para sa nasa 1.70 milyong pensioner.
Maglalaan din ang SSS ng ₱28.81 milyon para sa 13th-month at December pension ng mahigit 3,798 pensioner na gumagamit ng mga bangkong hindi kabilang sa PESONet participating banks at ng mga tumatanggap ng tseke.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Victor Alfonso Limlingan, bahagi ito ng pagbibigay-pugay sa mga pensioner na nag-ambag sa sistema noong kanilang mga panahong nagtatrabaho.
Ipinaliwanag naman ng ahensya na mas mataas ang matatanggap na pensiyon ngayong taon dahil sa ikalawang tranche ng dagdag-pensiyon sa ilalim ng Pension Reform Program.
Sa ilalim nito, may taunang dagdag na 10 porsiyento para sa mga retirement at disability pensioner, habang limang porsiyento naman para sa death at survivor pensioner tuwing Setyembre mula 2025 hanggang 2027.
Nilinaw din ng SSS na katumbas ng isang buwang regular na pensiyon ang 13th-month benefit ng mga retirement at survivor pensioner. Makakatanggap din nito ang mga anak na benepisyaryo ng dependent’s pension, gayundin ang mga partial disability pensioner na may hindi bababa sa 12 buwang pension duration.









