Hindi inakala ni Engr. Kaerol Pacallagan Zamora na makakamit niya ang unang puwesto sa 2026 Agricultural and Biosystems Engineers Licensure Examination (ABELE), dahil ang pangunahing layunin lamang niya ay makapasa sa pagsusulit.

Si Zamora ay nagmula sa Cataggamman Pardo, Tuguegarao City, Cagayan, at nagtapos ng kursong Agricultural and Biosystems Engineering sa Cagayan State University.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Zamora na labis ang kaniyang pagkagulat nang malaman mula sa isang kaibigan na inilabas na ang resulta ng pagsusulit at makita ang kaniyang pangalan bilang Rank 1.

Ibinahagi niya na hindi niya agad sinimulan ang pagrerepaso matapos ang graduation upang makapagpahinga muna. Hinati niya sa magkakahiwalay na buwan ang pag-aaral sa tatlong pangunahing asignatura, habang inilaan ang huling bahagi ng review period sa pagsagot ng mga dating board examination at mock examinations.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng sapat na pahinga, pag-alam sa limitasyon ng sarili at tulong ng review center upang maging mas epektibo ang paghahanda.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ibinahagi ng kaniyang inang si Mrs. Gladys Pacallagan Zamora ang labis na kaligayahan nang malaman ang pagkakabilang ng anak sa mga topnotcher.

Nasaksihan umano niya ang mga sakripisyo ni Kaerol sa pagrerepaso, kabilang ang mga gabing puyat at hindi pagkain sa tamang oras.

Gayunman, nilinaw ng ina na hindi niya kailanman pinilit ang anak na maging topnotcher, bagkus ay patuloy lamang niya itong sinuportahan at pinaalalahanang huwag kalimutang magpahinga.

Sa kabila ng tagumpay, plano munang magtrabaho ni Zamora upang higit pang mapalawak ang kaniyang kaalaman at karanasan sa larangan ng Agricultural and Biosystems Engineering.

Kabilang sa mga nakikita niyang maitutulong ng mga Agricultural and Biosystems Engineers sa sektor ng agrikultura ang pagdidisenyo ng makinarya, post-harvest at cold storage facilities, irrigation systems, rainwater harvesting facilities, farm-to-market roads at wastong pamamahala ng basurang agrikultural.

Hinikayat naman niya ang mga susunod na kukuha ng naturang kurso at licensure examination na ipagpatuloy ang kanilang mga pangarap, magtiwala sa sarili at huwag kalimutan ang dahilan kung bakit nila pinili ang nasabing larangan.