
Pinabulaanan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang mga kumakalat na balitang posibleng makapagpiyansa sa lalong madaling panahon si dating House Speaker Martin Romualdez na nahaharap sa ₱7.4-bilyong plunder case.
Ayon kay Remulla, batid niya ang mga usap-usapang kumakalat sa legal at judicial circles, ngunit iginiit na mahigpit na tututulan ng Ombudsman ang anumang pagtatangkang makapagpiyansa si Romualdez.
Tinawag din niyang propaganda ang naturang mga balita na umano’y naglalayong ihanda ang publiko sa posibilidad na makalaya ang dating lider ng Kamara.
Samantala, sinabi ni Remulla na mahalaga sa kaso ang testimonya ni Felicito Guevarra, pangulo ng Samchan Foreign Exchange Corp., na inalis na bilang kapwa akusado upang maging testigo ng prosekusyon.
Ayon sa Ombudsman, nakatanggap umano si Guevarra ng ₱373 milyon bilang komisyon na katumbas ng isang porsiyento ng mga transaksiyong kanyang pinangasiwaan, na tinatayang umabot sa ₱37 bilyon.
Ibinunyag din ni Remulla ang umano’y pagtatangkang magpanggap bilang Sandiganbayan Justice Karl Miranda upang malaman ang kinaroroonan ng testigo.










