Hinimok ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mamagitan sa Senado at House of Representatives sa pagtalakay ng 2027 national budget sa bicameral conference committee.

Ayon kay Lacson, malaki umano ang pagkakaiba ng bersyon ng dalawang kapulungan sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang pondo, kaya dapat gumanap ang Pangulo bilang “referee” upang matiyak na magiging maayos at malinis ang pinal na budget.

Nanawagan din siyang makipagpulong ang economic managers sa Senate finance committee at House appropriations committee bago pa ang bicameral conference.

Nauna nang tinapyasan ng Senado ang ilang alokasyon sa panukalang budget, kabilang ang ₱97 bilyon mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways dahil sa hindi pagsunod sa mga rekisito.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang ilang alokasyon, kabilang ang umano’y maling paglalagay ng prayoridad sa ₱247 bilyong ayuda.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ng senador, dapat tiyaking mapupunta sa mas mahahalagang pangangailangan ng bansa ang pondo sa gitna ng kasalukuyang hamong pang-ekonomiya.