Iniulat na gumamit ang Iran ng Starlink satellite internet service ng SpaceX sa mga pag-atake laban sa puwersang militar ng Estados Unidos matapos maglunsad ng opensiba ang US at Israel laban sa Iran.

Batay sa ulat, ikinagalit umano ni SpaceX CEO Elon Musk ang dalawang hindi awtorisadong paggamit ng Starlink na iniugnay ng kanyang team sa mga operasyon ng Iran laban sa mga puwersang Amerikano.

Nabatid din na gumamit ang militar ng US ng mga one-way drone sa pamamagitan ng Starshield, ang militarisadong bersyon ng Starlink. Gayunman, iniulat na mas murang planong nakalaan para sa ground operations ang ginamit sa halip na ang angkop na serbisyo.

Hindi pa nagbigay ng pahayag ang SpaceX at US Department of Defense hinggil sa naturang ulat.

Bagama’t hindi lisensiyadong mag-operate ang Starlink sa Iran, dati nang sinabi ni Musk na aktibo ang serbisyo sa naturang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Mahigpit namang kinokontrol ng pamahalaan ng Iran ang internet access, lalo na mula nang magsimula ang kasalukuyang labanan sa pagitan ng Iran, Estados Unidos at Israel noong Pebrero.