11 katao ang nasawi matapos gumuho ang isang itinatayong anim na palapag na gusali sa Pakistan nitong Miyerkules, Nobyembre 25, habang patuloy pang pinaghahanap ang anim kataong pinaniniwalaang na-trap sa mga guho.

Ayon sa lokal na pulisya, naitala ang pagguho sa kabahayan ng Baloch Colony, Karachi kung saan 15 din ang mga nasagip na sugatan sa gusali.

Tinatayang 1,122 rescue teams na rin ang ipinadala ng mga awtoridad na kasalukuyan nagsasagawa ng mga search, rescue, at clearing operations sa guho sa pag-asang may matatagpuan pang survivors ng pagguho.

Ayon naman sa lokal na rescue department, tinatayang 40% na ang nalinis nitong Sabado.

Samantala, lumalabas sa paunang imbestigasyon na lumabag sa maraming regulasyon ang pagtatayo ng nasabing gusali — dahilan umano ng pagguho nito.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa mga ulat, pinahintulutan lamang ang gusali na magkaroong ng basement, ground floor, at isang karagdagang na palapag, ngunit pinalawig ito nang hanggang anim, kung saan may ulat pang umano ng isinasagawang penthouse. Kinuwestiyon din ng mga imbestigador ang kalidad ng mga materyales sa konstruksiyon at ang pagsunod nito sa aprubadong building plan.

Kumikilos na rin ang mga awtoridad laban sa mga opisyal at indibidwal na umano’y responsable sa insidente.