
Niyanig ng magnitude 5.0 na lindol ang baybayin ng Southern California sa Estados Unidos nitong Sabado, na nagdulot ng sunod-sunod na aftershock at pagyanig sa mga gusali sa Los Angeles.
Ayon sa US Geological Survey, natukoy ang sentro ng lindol sa karagatan malapit sa Manhattan Beach, malapit sa Los Angeles.
Dahil sa pagyanig, nagkagulo ang ilang residente, tumunog ang mga alarm ng sasakyan at nabasag ang ilang bintana sa paliparan ng Los Angeles. Napilitang kanselahin ng isang Delta Airlines plane ang paglapag nito habang papalapit sa paliparan upang matiyak na walang bitak sa runway.
Nagkaroon din ng pagbuga ng apoy at usok mula sa isang Chevron refinery matapos awtomatikong i-activate ang mga safety procedure nito. Tiniyak ng kompanya na kontrolado ang operasyon at walang panganib sa mga kalapit na komunidad.
Agad namang nagsagawa ng pagsusuri ang mga tauhan ng Los Angeles Fire Department sa mahahalagang imprastraktura. Wala umanong naitalang malubhang pinsala sa imprastraktura o nasugatan sa lungsod.
Nagbabala naman ang mga awtoridad na maghanda sa posibleng mga aftershock dahil hindi mahuhulaan ang mga lindol.










